Thursday, August 4, 2011

Husband And Wife Chapter 15-17

Chapter 15: Just A Random Night Together

"Ermitanyo, pa-charge naman nitong phone ko, dali na," utos ni Debbie kay Ryan. Kapwa sila nakahiga na. Tinatamad siyang bumangon pero low batt ang cellphone niya.
"Bakit kaya hindi ikaw ang mag-charge," anito at niyakap siya at siniksik ang mukha nito sa leeg niya.
"Paano ako makakabangon eh para kang tuko diyan," sabi niya. Muli niyang inabot ang cellphone niya rito. "Huwag kang tamad, charge mo na, dali!"
"Ang palautos mo pala," anito sabay kuha sa cellphone. "Bakit ba kailangan mong mag-alarm eh ala-una pa ang pasok mo?"
"May pasok ako sa trabaho bukas," sagot naman. "Badtrip talaga 'yang manugang ng amiga ni mama, ang daming cheche bureche. Kailangan pa tuloy namin ni Cheche na magpart-time pa rin."
"May tatlo akong tanong," anito na para pa ring tukong nakayakap sa kanya. "Una, bakit di na lang simpleng "lolo" ang itawag mo sa manugang ng amiga ni mama? Pangalawa, sino si Cheche at bakit parang responsibilidad mo siya? Pangatlo, bakit kailangan mo pa ring magtrabaho?"
"Apat 'yun, ah," aniya at hinarap ito at tinangkang kunin ang pobreng aparato ngunit hindi binigay ng asawa.
"Sagutin mo muna ang tanong ko."
Humugot muna siya ng malalim na hininga. "Alisin mo muna yang mga braso mo sa pagkakayakap sa akin."
"Kapag ginawa ko yun, tiyak na tatakas ka," anito na lalo pang hinigpitan ang pagkakayakap sa kanya.
"Mukha ba akong unan, ermitanyo?"
"Kung unan ka, dapat hindi mo dapat nagigising ang dugo ko," pabulong na sabi nito sa tainga niya. Nalaglag naman ang panga niya. "Hindi ba obvious?"
Nanlalaki ang mga mata na tumitig siya rito. Unti-unting nanubig ang mga mata niya.

"D-Debbie?!" tila may kung anung sumuntok sa sikmura ni Ryan nang nang makitang umiiyak ang asawa.
"Ermitanyo!" naiiyak nitong sabi. Hindi makapaniwalang tinitigan siya nito. "Hindi ko akalaing---"
"What the---!" nataranta naman siya at pinahid ang luha nito. "Sorry! Sorry! Na-offend ka ba? I didn't mean it that way?"
Humikbi ito. "H-Hindi ko akalaing ganyan ka."
"Sorry na," paanas niyang sabi sabay halik sa noo ng asawa. He hopes that it will make her feel better.
"G-Grabe ka, ermitanyo. May pagkamanyak ka pala!"
"Sorry na," parang sirang plaka na ulit niya. Pagkuwa'y niyakap niya ito.

Ang dali palang paglaruan ng ermitanyong 'to!
Naisip niya ang mga reaksyon nito kanina at napaalog ang balikat niya. Hindi na niya napigilang bumungisngis. Mukhang naramdaman iyon ng asawa niya at pinakawalan siya at hinawakan sa magkabilang balikat. Napahalakhak na siya.
"You tricked me!" akusa nito.
"Sorry naman." Halos hindi na kumawala ang mga dalawang salitang iyon sa kakatawa niya. Pinilit niyang pakalmahin ang sarili ngunit nang sulyapan niya ito ay muli siyang napahalakhak.
"Sige lang, tawa ka pa," sabi ng ermitanyo na ang tono ay tila natalo sa isang laro. Lalo lang siyang natawa.

Kung kanina ay guilt ang nararamdaman ni Ryan, ngayon naman ay nanggigigil siya sa asawa niyang ang lakas mantrip. Hindi niya alam kung ano ang pumasok sa utak nito at naisip na magdrama sa harapan niya, at yung kapani-paniwala pa.
Tila kinalma nito ang sarili nito kahit hindi pa rin nagsa-subside ang tawa nito. Ngunit nang mapatingin sa kanya ay natawa na naman ito.
"Mukha ba akong laughing gas?" inis na tanong niya rito.
"Bakit sinisinghot ka ba?" Tawa pa rin ito nang tawa. Siya man ay unti unti nang nawawala ang pagkainis dito at natatawa na rin.
"Ganun? Gusto mong tumawa?" aniya at kiniliti ito. Napatili ito at pilit na inihihiwalay ang mga kamay niya sa baywang nito. But he didn't let her.
"Aray!" anito na hinawakan pa ang baywang nito.
"Ha?" agad naman siyang nag-alala. "Saan masakit?"
Ngunit binelatan lang siya nito at sa isang saglit ay tumayo palayo sa kama. "Joke lang."
"Ganon ha?" Bumangon na rin siya sa kama at lumapit dito. Lumayo naman ito sa kanya.
"Ermitanyo ha, tama na!" naalarmang sabi nito. "Maaga pa ako bukas."
Inangat lang nito ang mga kilay nito at bigla siyang dinakma at muling kiniliti. Napatili siya habang tawa nang tawa. Katok sa pinto ng kwarto nila ang nagpatigil sa kanilang dalawa. Nagkatinginan sila nito at binuksan ang pinto. Iniluwa niyon ang naka-cross arms at nakasimangot na si Denise.

Chapter 16: Just A Random Night Together Part 2

"O, Denise, baby," ani Ryan. "Why are you here?"
"Ang ingay ninyo kasi," nakasimangot nitong sabi. "I can't sleep."
"Ganon ba?" sabi naman niya. "Sige, hindi na. Matulog ka na."
Ngunit lalo lang nalukot ang mukha ng bata habang nakatingin sa kanilang dalawa. Nagkatinginan tuloy ang mag-asawa. Pagkuwa'y binuhat ni Ryan si Denise.
"Gusto mo bang kantahan kita ng lullaby para makatulog ka na?" masuyong tanong ni Ryan sa pamangkin nito. Napangiti si Debbie sa tagpong iyon.
Mahal na mahal palang talaga ng ermitanyong ito ang pamangkin niya? Ganoon din kaya siya sa magiging anak niya?
"Tita Debbie, sama ka sa amin, please." Napatingin siya kay Denise.
"Ha? Saan?"
"Sa room ko," anito. "Ayaw mo po ba?"
"Ah, eh, hindi," aniya. Napaghahalataang hindi siya nakikinig. "Gusto ko."
Tuwang-tuwang ngumiti ang bata na tila excited pang nagsumiksik sa leeg ng tito nito.

"Basahan ninyo po ako ng story," request nito nang nasa kwarto na sila ng bata. Inihiga ni Ryan si Denise sa higaan nito.
"Akala ko, gusto mo ng lullaby?" maang na tanong ni Debbie na hinaplos ang buhok nito.
"Si tito Ryan lang nagsabi nun," anito. "Hindi naman po ako nag-yes sa lullaby."
"Oo nga naman," natatawang sabi niya na pinisil ang pisngi nito. Matalino talaga ang batang ito. Actually mautak is the right term to describe her husband's niece. "O siya, ano gusto mong story at ikukwento sa iyo ni tita."
"Pwede pa po ng isang request," anito na tumingin pa sa kanilang dalawa ni Ryan. Naghintay naman sila sa susunod nitong sasabihin. "Pwede po tabi tayo matulog for tonight? Wala po kasi sina mommy at daddy, nasa America."
Tumingin sa kanya si Ryan.
At talagang ako pa ang gustong mag-decide ng ermitanyong 'to!
"Please!" Mukhang alam ng bata kung na kanino ang desisyon at sa kanya rin tumingin. Lihim siyang natatawa sa mukha nito dahil effort na effort kung magpaawa. Kung kaya siguro nitong umiyak ay iiyak ito with matching hikbi.
"Sige na nga," nakangiti niyang sabi at ginulo ang buhok nito.
"Yehey! Katabi kong matutulog sina tito Ryan at tita Debbie!"

"O, anong gusto mong story?" tanong ni Debbie sa bata. Nakahiga na silang tatlo, ang bata ang nasa gitna. "Snow White? Sleeping Beauty? Cinderella?"
"Pwede pong iba?"
"Little Mermaid?"
"Tito Ryan naman, eh!"
"E anong gusto mong story?"
"Gusto ko yung hindi pa nariring."
"At ginawa mo pa kaming story teller," comment ni Debbie na naiiling pa. "Pero dahil, mabait ka ngayon, pagbibigyan kita."
"Yehey!"
"Ang kwento ko ay tungkol sa isang prinsesa sa malayong kaharian," simula niya. "Hindi katulad ng ibang mga princess, ang princess na ito ay hindi ay hindi love ng ama niyang hari pati na rin ng mga nasa kaharian."
"Ay, bakit po?" tanong ni Denise. "Kawawa naman yung princess."

Chapter 17: Fairytale

Napatingin si Ryan kay Debbie na naka-focus ang attention sa makulit niyang pamangkin.
Prinsesang hindi mahal ng kanyang ama? Is this by any chance her past?
"Alam mo kung bakit hindi siya mahal ng daddy niyang hari?" pagtuloy ni Debbie sa kwento. "Kasi hindi siya maganda. Alam mo yung prince sa The Frog Prince?"
"Yung frog po?"
Tumango si Debbie. "Ganun ang face niya, more or less. Pero love na love siya ng kanyang inang reyna. Lagi niyang sinasabi na ang princess ang pinakamagandang princess sa kaharian. Kaya lang, dahil may sakit na malubha ang inang reyna, she died. Ang lungkot lungkot ng princess kaya lumapit siya sa ama niyang hari. Nagdala siya ng maraming bulaklak para iregalo dito."
Napangiti nang mapait si Debbie.
"Tapos po?"

Hinalikan muna ni Debbie sa noo si Denise bago ituloy ang kwento. Mukhang konti na lang at bibigay na rin ito sa antok
"Tapos, ibinigay niya. Pero kahit isa doon ay hindi hinawakan ng hari. At ibinalita nito sa princess na muli siyang magpapakasal," tuloy niya. "Hindi mabait ang bagong queen pati na rin ang anak nito. Kaya umalis ang princess at naglakbay. Napunta siya sa isang maliit na bayan at nakilala niya ang isang grupo ng---"
Napatigil si Debbie nang makitang tulog na ang bata. Muli niya itong hinalikan sa noo at inayos ang pagkakakumot dito. At saka sinulyapan si Ryan na matamang nakatitig sa kanya.
"Hindi ka pa tulog, ermitanyo?"
"So, nakalimutan ninyo na talaga ng bubwit na ito na nag-e-exist pala ako," banat nito na ikinatawa niya.
"Ang balat-sibuyas mo naman."
"Patatawarin kita kung itutuloy mo ang fairy tale mo," pa cute nitong sabi. Nilukutan niya ito ng mukha.
"Hindi ka ang pamangkin so huwag kang magpacute," mataray niyang sabi.
"Sige na," lambing nito. "Gigisingin kita nang maaga bukas."
"Kahit alas sais?"
"Shoot!"
Humugot siya nang malalim na hininga.
"So ayun na nga, napunta ang princess sa maliit na bayan. Doon niya nakilala ang isang grupo ng magnanakaw." Pagkasabi niyon ay tumingin siya rito.
"Pero tumiwalag na ang prinsesa sa grupo na iyon, di ba?"
Tumango siya. "Yung sa huling target ng grupo ng mga bandidong 'yun, nahuli sila ng mga mandirigma sa kahariang pagnanakawan sana nila. Pero nagdesisyon ang pinuno ng mga mandirigma na yun na huwag silang isuplong. Sa halip ay tinulungan silang magbagong buhay. Naghiwalay ng landas ang grupo. Sa ngayon, heto ang prinsesa nagpakasal sa ermitanyo na ang manyak manyak pala."
"Sobra ka naman, react nito. "Pero kahit na gaano kamanyak ang tingin ng prinsesa sa ermitanyo, gagawin niya ang lahat para maging masaya ang prinsesa sa piling niya habambuhay. Ipagtatanggol niya sa abot ng kanyang makakaya."
"Asus! Ilang beses ko nang napanood ang mga eksenang 'yan," pang-aasar niya. But deep inside, she's embarrassed yet happy.
"Talagang nanira ng moment nang may moment, ano?"
"Antok lang 'yan," natatawa niyang sabi. "Tulog ka na at gigisingin mo pa ako bukas."
"Opo," pang-asar nitong sambit. "Good night."
"Good night."

2 comments:

jak said...

ang sweet!!

Anonymous said...

aba ang ermitanyo...
interesado sa kwento ni debbie...
ano kaya mangyayari pag bumalik yung dating grupo ni debbie hmmmm...

ang may eksena na naman pala si mautak na denise lol

at lakas talaga mantrip ni debbie
naloko agad si ermitanyo hahaha

next chappie plez :D

-blue